Sa rami ng ating mga ginagawa, madalas nating makalimutan ang kahalagahan ng pag-aalaga sa ating katawan. Marami sa atin ang nakaupo maghapon dahil nagbabantay ng tindahan, nagtatrabaho sa harap ng kompyuter, nanonood ng telebisyon, o nag-i-scroll sa internet. Ngunit, alam ba ninyo ang masamang epekto ng inactivity sa ating kalusugan? Kung gusto mong maging mas healthy at mas maganda, basahin ang buong artikulo.
Ang ehersisyo ay hindi lamang para sa mga taong gustong mag-build ng muscle o magbawas ng timbang. Ito ay para sa lahat! Kapag regular tayong nag-eehersisyo, makatutulong ito upang mapalakas ang ating puso, mapabuti ang sirkulasyon ng ating dugo, at magkaroon ng kontrol sa ating timbang. Bukod pa rito, makatutulong din ito sa pagpawi ng stress, pagpapabuti ng mood, at pagpapalakas ng immune system.
Hindi mo kailangan ng mamahaling gym membership o komplikadong exercise routine; maaari kang magsimula sa simpleng paglalakad. Base sa pag-aaral ng mga Japanese health experts, malaki ang naitutulong ng Interval Walking Training, kung saan gagawing alternate ang paglalakad nang mabilis at normal pace. At base sa kanilang pag-aaral sa halos 10,000 Japanese (healthy, diabetic, stroke patients), ang Interval Walking Training ay mas mainam kaysa Normal Pace Walking at 10,000 steps-a-day. Hindi mo kailangang mag-invest nang napakatagal na panahon para makuha ang health benefits. Kailangan mo lang ng 30 minutes per session, apat na beses kada linggo.
Paano nga ba gagawin ang Interval Walking System? Mag-umpisa sa paglalakad nang normal na pace na para ka lamang nag-i-stroll sa park, at pagkatapos ng three minutes, bibilisan mo na ang iyong paglalakad. Kailangang mag-swing ang iyong mga braso dahil makatutulong ito para mas lumaki at bumilis ang iyong paghakbang. Kapag naglalakad, siguraduhing ang unang bumabagsak ay ang iyong sakong. Kung ikaw ay matagal nang walang exercise, magdahan-dahan muna sa umpisa hanggang sa maka-build ka ng stamina. Mainam din na kumonsulta sa iyong doktor.