“Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda.” Ang tanyag na kasabihang ito ay nagmula sa ating pambansang bayani, Dr. Jose Rizal, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pag-ibig sa sariling wika bilang pundasyon ng pagmamahal sa bayan.
Ang pahayag na ito ay nagsisilbing paalala sa atin ng isang nakakalungkot na pangyayaring maaaring maganap sa sinomang Pilipino: ang kawalan ng pagmamahal sa ating sariling bansa at kultura. Ang ating wika at kultura ay mahalagang bahagi ng ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino, at ito ay dapat nating ipagmalaki at pahalagahan.
Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, hindi lamang natin ipinagdiriwang ang pagkakakilanlan ng ating bansa kundi pati na rin ang lahat ng bumubuo rito, lalo na ang ating wika at kultura. Ang ating mga ninuno, mula pa sa panahon ni Lapu-Lapu, ng ating mga bayani, at ng mga kapwa Pilipinong patuloy na lumalaban para sa ating kalayaan, ay nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng pagkakaisa at pagmamahal sa ating sariling bayan.
Ang Buwan ng Wika ay isang pagkakataon upang ipagdiwang at bigyang pagpapahalaga ang nagbibigay ng pagkakakilanlan sa ating pagkatao – ang wikang Filipino. Ito ay isang paanyaya na mahalin at ipagmalaki ang sariling atin, hindi lamang sa samabayanang Pilipino kundi pati narin sa harap ng mga banyaga.
Sa pagdiriwang natin ng Buwan ng Wika, ating bigyang-pugay ang ating mga bayani at ang kanilang mga ipinaglaban, at patuloy nating yakapin ang ating wika at kultura bilang mahalagang bahagi ng ating kasaysayan, pagkatao at pagkakakilanlan. Nawa’y maging inspirasyon ito sa bawat isa sa atin upang mas lalo pang mahalin at ipagmalaki ang ating pagka-Pilipino.
Dito sa LIGHT MFI, isang pribilehiyo ang makapagdiwang ng Buwan ng Wika kasama ang ating mga ka-LIGHT. Taas-noo nating ipagmalaki na tayo’y mga Pilipino, at buong-tapang na isigaw na mahal natin ang ating wika at bansa.
Tayo’y mga Pinoy tayo’y hindi Kano, kaya’t gamitin at ipagmalaki natin ang ating sariling wika!