Ngayong Buwan ng Wika, inaalala natin kung gaano kayaman ang wikang Filipino — hindi lang dahil sa mga salitang ginagamit natin, kundi sa puso kung paano ito binibitiwan. Ang wika ay hindi lang linya ng komunikasyon; ito rin ang nagdadala ng ating mga kwento, paniniwala, at pag-asa.
Sa LIGHT Microfinance Inc., naniniwala tayo na sa bawat diyalekto, tono, o simpleng usapan — may wika ang pag-asa. Hindi lang sa pagpapahayag, kundi pati na rin sa ginagawa: sa malasakit, sa bawat panalangin, at sa bawat “Kaya mo ‘yan” na ibinibigay natin sa isa’t isa ay PAG-ASA.
Mula Luzon, Visayas, hanggang Mindanao, may mga boses tayong naririnig — hindi sikat, hindi malakas, pero totoo. Mga Partner-Clients na patuloy na nangangarap at kumakayod upang maabot ang mga inaasam. Mula sa sari-sari stores, mga karinderya, o ano mang negosyo, nagpapatuloy ang mga pangarap. Mga empleyado ng LIGHT na nagsusumikap sa gitna ng pagod at puyat na kanilang kailangang harapin. Mula sa mga Account Officer hanggang sa Board of Trustees, nagpapatuloy ang ating kagustuhang makatulong sa ating mga komunidad. Ito ang mga boses ng pag-asa. Magkakaibang pangarap, magkakaibang layunin at kwento, pero iisa ang diwa.
Sa panahon ngayon, mas madaling makakita ng reklamo at sumbong kaysa ng mga salitang nagbibigay ng karunungan at pag-asa. Ngunit paano nga ba tayo magiging sisidlan ng pag-asa gamit ang ating wika? Minsan, sapat na ang simpleng “Nandito lang ako,” o “ipapanalangin natin ‘yan.” Hindi mo kailangang maging magaling sa pagsasalita para makapagbigay ng lakas ng loob. Sa pamamagitan ng tahimik na pagtulong, kahit simpleng pakikinig lang — wika na rin ‘yan ng pag-asa. Dahil ang tunay na wika, hindi lang naririnig — ito’y nararamdaman.
Sa bawat field visit, coaching, o simpleng kumustahan, idalangin natin na maramdaman ng bawat Partner-Client o mismong mga empleyado ng LIGHT MFI na hindi sila nag-iisa. Na may pamilya silang kasama sa journey — na meron silang LIGHT Family kasalo sa bawat ngiti at kaagapay sa lahat ng luha.
At kung tutuusin, hindi lang Tagalog, Bisaya, Ilokano, o Kapampangan ang pinag-uusapan natin. Kahit anong wika, mapa-English, Korean, o Filipino, kung may kasamang malasakit at pagmamahal maiintindihan ang mensaheng nagdadala ng pag-asa.
Ngayong buwan ng wika, lagi nating alalahanin na bawa’t salitang ating binibitawan ay may kaakibat na responsibilidad. Gumamit tayo ng mga salitang magpapalakas, hindi magpapabigat. Sumambit ng mga salitang makapagpapaluwag ng kalooban, may biyaya at pagpapala; hindi lang simpleng “Kaya mo pa ba?” kundi, “Ano’ng maitutulong ko?”
Dahil sa dulo ng bawat salita, may posibilidad na mabuhay ang pag-asa ng isang taong pagod na. Sa bawat salita, maaaring iyon ang maging simula ng bagong kwento — para sa ating kapwa Pilipino at para sa ating mga Ka-LIGHT. At sa huli ang ating mga salita ay hindi nararapat na maging dahilan ng takot o pangamba kundi ng pananampalataya, pag-asa at pag-ibig na siyang tatlong nanatili – 1 Corinto 13.13.
Photo credit to the owner: wikangfilipino42669956